Linggo, Marso 28, 2010

Mensaheng Pang-Kuwaresma

Bayan ng Diyos, tayo po ngayon ay muling ginugunita sa panahon ng Kuwaresma-ang paggunita sa mga huling araw ng Panginoong Jesu-Cristo sa ibabaw ng lupa-na nagsimula noong Miyerkules ng Abo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay. Karamihan sa ating mga kababayan ay umuwi sa kani-kanilang probinsya, may mga nagsasagawa ng Visita Iglesia, may mga nagpepenitensya, may mga nagpapapako sa Krus kapag Biyernes Santo, may mga nananatili sa bahay para magnilay, mayroon ding pumunta sa mga plaza para manood ng Senakulo, mayroon ding Pabasa, mayroon ding nakiisa sa Daan ng Krus, at ang iba sa atin ay sinasamantala ang paggunita para pumunta sa beach party sa Boracay at concert tour. Tingnan po natin dito sa Pilipinas halos iilang mall ang nagsasara ng dalawang araw (maliban sa Baguio City) at nagbukas ng Sabado de Gloria, may mga himpilan ng rayo-AM man o FM-ay nag- off the air ng halos tatlong araw, dalawang araw o isang araw maliban ang mga religious radio stations (isa rito ang DWXI), maging ang himpilan ng telebisyon-VHF man o UHF-ay nag- off the air ng tatlo, dalawa o isang araw (maliban ang cable channels) at may mga pahayagan ay nagsasara ng tatlo, dalawa o isang araw (maliban ang Manila Bulletin, Tempo at Balita). Maging ang mga convenience stores 24/7 walang pahinga. May mensahe ang ipinakita sa atin ng Panginoon at ito ang kanyang sinabi, "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan" (Juan 3:16).
Dinanas ng Panginoon ang hirap at sakit na ibinuhos Niya sa ikatutubos ng Sanlibutan, kaya, mga kababayan, ngayong Kuwaresma, isadiwa po natin ang Dakilang Pag-ibig ng ating Panginoong Hesu-Kristo.